PAGGUNITA SA IKA-117 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NI BONIFACIO
Ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at ang Pamahalaang Bayan ng Maragondon ay nagsanib pwersa noong ika-10 ng May0 2014 sa paggunita sa ika-117 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Andres C. Bonifacio. Isinagawa ang programa sa loob ng simbahan ng Nuestra Señora Dela Asuncion sa ganap na ika-9:00 ng umaga.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naging opisyal at kinilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang pagbibigay pugay ng bayan ng Maragondon sa kamatayan at kadakilaan ng Ama ng Himagsikang Pilipino.
Nagsimula ang pagdiriwang sa isang Awit Panalangin(“Ama Namin”) na ginampanan ng Andres Bonifacio Concert Choir sa patnubay ni Jerry A. Dadap. Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa busto ni Bonifacio na pinangunahan ni Atty. Gregorio Bonifacio at iba pang kaanak, Kgg. Reynaldo A. Rillo ng Pamahalaang Bayan ng Maragondon at Kgg. Dr. Maria Serena I. Diokno, Tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayn ng Pilipinas. Nagpadala rin ng bulaklak si Kgg. Gobernador Jonvic C. Remulla at ang Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.
Sa bating pambungad, binigyang importansya ni Kgg. Reynaldo A. Rillo ang paggunita sa kamatayan ni Bonifacio bagamat hindi naging maganda ang kanyang karanasan dito sa bayan ng Maragondon kung saan siya ipiniit, nilitis at namatay. Para sa Punong Bayan, patuloy na magiging hamon sa lahat ng Pilipino partikular sa mga kabataan ang mga naiwang aral ng kasaysayan.
Sa mensahe ni Dr. Diokno, binigyang diin niya na tayong lahat ang nakinabang sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Bonifacio. Ang kalayaang tinatamasa natin sa kasalukuyang panahon ay utang natin lahat sa kanya. “Si Gat Andres Bonifacio ay isang “Bayani” at isang “Pilipino”, wika ni Dr. Diokno.
Kahanga-hanga ang pinakitang galing ng Andres Bonifacio Concert Choir sa mga awiting makabayan tulad ng “Sa Dalampasigan”, “Anak Pawis”, “Katipunan”, “Katapusang Hibik”, “Kayumangging Malaya”, “Alay sa Inang Bayan”, “Bayan Ko”, “Pilipinas Kong Mahal” at “Tayo’y Magkaisa”. Napukaw ng Andres Boniafcio Concert Choir ang damdaming Pilipino ng lahat ng mga nagsidalo sa kanilang natatanging presentasyon. Napuno ang loob ng simbahan ng mga tinig na patuloy na magpapa-alaala ng saloobin ng tunay na rebolusyonaryong Pilipino. Nakiisa din ang Maragondon Teachers Chorale at St. Jude Band sa mga piling awitin.
Dumalo din sa napakahalagang okasyon ang mga kasamahan ni Dr. Diokno mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na sina Executive Director Luduvico Badoy, Komisyoner Rene Escalante at iba pang pamunuan ng komisyon. Nakiisa din si Dr. Beatriz G. Torno, Assistant Regional Director, DepEd Region IV-A CALABARZON, Luzviminda F. Dela Rosa, Head, Special Programs and Projects Office(DepEd Central Office), Dr. Victoria Pamienta, Schools Division Superintendent kasama ang lahat ng mga guro mula sa distrito ng Maragondon.
Ang paggunita sa ika-117 anibersaryo ng kamatayan ni Bonifacio ay lubos na hinangaan ng mga nagsidalo. Naipamalas ang masusing pagpaplano at naibigay ang tamang timpla na gustong ilahad sa tao. Ito ay isang tagumpay para sa ating lahat.